Pagkaing ‘pagpag,’ basura ng iba ngunit panlaman-tiyan ng maraming pamilya sa Maynila

Marami pa rin sa mga kababayan natin ang nabubuhay sa ‘pagpag,’ mga pagkaing tira na nakukuha mula sa mga fast food chain, pinipili ang pagkaing maaari pang magamit, nililinis at tsaka niluluto.

Ito ang ikinabubuhay ng 62 taong gulang na si Magdalena Maredo.

Kasama niyang umaalis tuwing alas-2 ng madaling araw ang asawang si Bernardino para humango ng mga pagpag. Ito lang kasi ang tanging oras na maaari nilang kuhanin ang mga ito.

Higit 20 taon nang ganito ang takbo ng buhay nilang mag-asawa.

Bukod pa rito, kumikita rin sila sa pagbebenta ng mga kartong nakokolekta.

Pinipilit nilang kumayod para kahit papaano ay maibigay pa rin ang pangangailangan ng mga anak lalo na sa kanilang pag-aaral.

“Kasi wala po kaming pinag-aralan eh sila lang po kahit pag-aral lang, mapagtapos namin sila,” kuwento ni Maredo kay Kabayan Noli de Castro.

Ang mga pagpag na nakuha ng mag-asawang Maredo, hindi lang pamilya nila ang magsasalo-salo kundi iniaalok nila ito sa iba para pagkakitaan.

System notification